Saturday, October 14, 2017

Raid [sanaysay, SBA 2017 entry]

,

Isang gabi, biglang may sumigaw sa kalye namin. Patay na daw si Richard Prevendido alias “Buang” (salitang Ilonggo para sa ‘baliw’), ang isa sa mga kilalang Drug Lord sa Iloilo City na nakatira noon sa barangay namin. Ngayong taon lang, nagkaroon ng tila masamang reputasyon ang syudad ng Iloilo dahil sa sinabi ni Pangulong Duterte na ito ang pinaka-‘shabulized’ sa buong Visayas, at nang nasama si Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog sa lista ng mga pulitikong sumusuporta raw at may benepisyo sa illegal na droga. Si Mayor ay “on indefinite leave” ngayon, at naiintindihan ko naman – siguro ay natatakot rin siya para sa pamilya niya, lalo na sa nangyari sa Mayor ng Ozamis City na namatay rin sa isang police operation.

Ilang buwan lang ang nakalipas, napatay na rin si Melvin Odicta (alias ‘Dragon’) at kanyang asawa sa isang pier, mga diumanong kumikita sa droga sa Iloilo City. Hindi lang sila. Simula nung idineklara ng bagong Presidente ng bansa ang ‘Giyera kontra Droga’ may mga 13,000 na raw ang namatay ayon sa statistics. Bago pa man siya nahalal, sinabi na ni Duterte na lalong dadami ang negosyo ng mga punerarya, at tataba ang mga isda sa Manila Bay sa dami ng mamamatay. Nagkatotoo nga niya ang kanyang sinabi.

Sino bang mag-aakalang magiging ganito ang ating bansa? Marami nang bangkay ang nakita – bata, matanda, binalot sa packing tape at tinapon kung saan. May mga nakasulat gamit ang pentelpen at karton: Nanlaban, Wag Tularan, Addict, Pusher, at kung ano pa. Halos bawat gabi sa balita, may mga kasangkot sa droga na nahuhuli at namamatay sa mga police operation.

Isang malaking problema nga ang droga sa bansa. Maraming buhay na ang nasayang sa pagka-addict sa droga. Maraming pamilya na ang naapektuhan. May isang taxi driver sa barangay naming na nagkwento tungkol sa anak nyang addict na nasa kulungan na ngayon. Naranasan daw ng pamilya nila na walang makaing kanin dahil binenta ng anak na lalaki ang rice cooker nila para makabili ng shabu. Sabi ng matanda, addict lang daw ang anak niya at hindi pusher. Pero pagbebenta ng ilegal na droga ang kinaso sa kanya at buong buhay na pagka-bilanggo ang parusa (no bail). Pero sabi din niya, mas mabuti na lang daw na nakakulong ang anak kaysa bumalik sa magulong buhay. Bago pa yun ng panahon ni Duterte. Sabi niya, kung ngayon yun nahuli, baka paatay na rin. Ilan lang yan sa mga pamilyar na kwento sa atin.

Pero marami ring napayaman sa droga. May isang tricycle driver na naghahatid sa amin sa paaralan noong kinder pa ako. Isang araw, hindi na siya tagamaneho ng pampasaherong motor at nag negosyo na raw. Bigla na lang siyang nagka-pera. Yung dating tricycle driver, may mga kotse, gadgets, and malaking bahay na. Ilegal na droga pala yung negosyo. Yun, nahuli rin at nakulong. Nakalaya, pero bumalik sa dating gawi at ngayon ay nagtatago ulit.

Nakakamatay at sobrang delikado ang pag-gamit ng ilegal na droga. Bukod dito, ang mga addict ay wala sa tamang isip at maaaring gumawa ng mga krimen. Responsibilidad nga ng gobyerno na sugpuin ang problemang ito, ngunit sa malalang korapsyon sa bansa, may mga mapagsamantalang politiko rin na nakikinabang dito. May mga pangalang nasabi si Presidente Duterte. Isa na si Mayor Mabilog sa mga pangalan doon. 

Ngunit hanggang saan dapat ang giyera kontra droga? Tama na ba ito kung may mga inosenteng buhay nang nadamay, kung inaabuso na ito ng iba? Tama pa ba ito kung may mga taong namamatay lang na walang tamang proseso?

Sa pagsusulat ng mga tanong na ito, aaminin kong medyo takot ako. Hindi na ako masyadong nanonood o nagbabasa ng balita kasi sakit lang sa ulo at problema ang nakikita. Pero nakikita ko pa rin sa social media ang matinding dibisyon at ang mga away ng mga tao tungkol sa kontrobersyal na isyung ito. Baka pag-initan ako at ang blog ko. 

Sa social media kasi, grabe ang prinsipyo ng mga pro-Duterte at anti-Duterte. Yung ayoko lang na sa ating sitwasyon ngayon, parang maiilang kang mag-komento ng masama dahil baka iba yung pag-basa ng ilang tao sa sinulat mo. Marami nang na-hack, na-bully, na-troll. Yung ayoko lang ay parang nagiging normal na ang patayan. Tila mas maraming balita ng mga natatagpuang bangkay ngayon kaysa noon. Yung iba naman, kung kritiko ka, ‘Dilawan’ ka daw kaagad. Hindi ba pwedeng magsalita ngayon kung ano ang iniisip o nararamdaman? Diba ang malayang pagpapahayag ang isa sa mga importanteng doktrina ng isang demokrasya? 

Hindi na tayo ngayon makabukas ng Facebook nang hindi makakita ng debate sa bagong news o issue. May mga die-hard fans ang Presidente, at may mga kumokontra naman. May mga dumidipensa, may mga umaalma. Hindi ko na alam kung ano ang paniniwalaan. Pati mga sariling kakilala ko, nag-aaway na sa mga isyung politikal. May mga mag kamag-anak na ring nasira ang relasyon dahil sa mga pinagkaibang opinyon.

Walang perpektong administrasyon. Walang perpektong gobyerno o Presidente. Lahat tayo gusto ng pagbabago, at lahat tayo sawang-sawa na sa mga pulitikong dapat tumulong sa ating bansa ngunit patagong kinukuha para sa sarili ang perang dapat para sap ag-unlad ng Pilipinas at karaniwang Pilipino. Sa akin lang, tila walang matutulong kung kahit tayong mga Pilipino, nag-babastusan at minumura ang isa’t isa sa internet. 

Sa akin lang naman, oo, kailangang managot ang mga kriminal na yumayaman sa mga drogang nakasisira ng mga tao at maraming pamilya. Pero sa akin lang, hindi naman yata tama na suportahan natin ang pagpatay sa kapwa tao, kahit drug lord, pusher, o adik. Isa sa sampung utos ng Diyos sa Biblia ang hindi pagpatay. Isa itong malaking kasalanan at ipinagmamalaki pa naman natin na tayo lang ang Kristyanong bansa sa Asya. Diyos ang gumawa ng buhay, at siya rin ang tanging may karapatang kumuha nito. Pero hindi ito perpektong mundo. Simula ng nagsimula ang mundo, nagpapatayan na tayo sa kung ano mang dahilan. 

Nalulungkot ako pag may nababalitaang namatay na ‘addict’, kasi may mga personal ding problema ang mga taong ito kaya nalulong sa bisyo. Sana lang ay bigyan sila ng pagkakataon. Pero tila ginawa nang excuse ng ibang vigilante group na patayin ang gusto nilang patayin at lagyan na lang ng karatulang pusher o addict ang bangkay na to, wag tularan. Marami nang nabalitang namatay, nakita ang bangkay, ngunit tila konti lang ang mga naririnig na mga imbestigasyong nagkaroon ng solusyon. 

Lahat tayong mga Pilipino gusto ng pagbabago. Sa lahat ng nakaraang administrasyon, bumoto tayo at nagtiwala sa pangakong kahit papano, magbabago rin ang Pilipinas para sa atin at sa kinabukasan ng mga anak natin. Lahat tayo gusto ng maayos na serbisyo, mga politikong nirerespeto ang taong bayan, at ligtas na mga tirahan. May nagbago nga ba para sa ikabubuti ng bansa, o lalo lang tayong lumala? 

----
This was written for the Saranggola Blog Awards 2017. SBA 2017 sponsors:
Share:

0 comments:

Post a Comment